Napaka istrikto ng magulang ni Jennifer ngunit dahil sa tuksong damdamin ay nagkaroon na siya ng nobyo noong siya ay fourth year hig school pa lamang.

Iyon ay ang nobyo niyang si Rico. Dahil nga sa takot si Jennifer na magulang, pinili niyang itago ang kanilang relasyon.

Natuto siyang magsinungaling at tumakas sa magulang sa tuwing siya ay makikipag kita sa kaniyang kinababaliwang lalaki.

“Ano Jennifer? Nasaan ka na ba? Anong oras na hindi ka pa din umuuwi!” biglang sulpot ng text mula sa ina ni Jennifer

“Mama, saglit lamang po. Nandito pa po kasi ako kila Francine. May inaasikaso po kaming project bago mag- exam” pasinungaling na reply sa ina.

“Sinasabi ko sa iyong bata ka, mabubuntis ka ng maaga kakaganyan mo. Kababae mong tao lagi kang nasa galaan!” galit na sabi ng ginang

Kahit na alam ni Jennifer na bawal pa siya sa pakikipag-relasyon, ipinilit niya pa ding ituloy ang pagkakaroon ng nobyo kahit na palihim pa ito.

Hanggang sa umuwi si Rico sa kanilang probinsya upang magbakasyon at hindi na nagparamdam pa. iyon ang naging dahilan kung bakit sila nag hiwalay ni Jennifer.

Dahil nga mga bata pa, hindi ganoon kalawak ang kanilang isip sa pag-intindi ng mga tungkol sa pakikipag relasyon at mga responsibilidad sa isa’t isa.

Hanggang sa tumungtong siya sa kolehiyo at kinuha ang kursong Hotel and Restaurant Management. Nasa lobby noon si Jennifer para kuhanin ang kaniyang uniporme nang biglang may nadinig siyang lalaki na tinawag ang kaniyang pangalan.

“Jennifer!” sigaw ng lalaki

“R-Rico?” pagtataka niya habang pinag mamasdan ang binata

“Kumusta ka na? Long time no see ah?” nakangiting paglapit ni Rico

“A-Ayos naman. Anong course mo dito?” tanong ni Jennifer

“IT ang kinuha ko. Alam mo na, mahilig ako sa computer ‘diba? Ikaw, HRM ka?” tanong ni Rico

“Oo, iyon yung pinakuha sakin nila mama at papa e”

“O siya, mauna na ako ha? Ingat ka!” sabay kaway ni Rico upang magpaalam. Nakangiti ding kumaway pabalik si Jennifer

 

Ilang buwan ang lumipas ay patuloy pa din ang kanilang pag uusap hanggang sa sila ay magkabalikan na.

Kagaya ng dati ay itinatago pa din ito ni Jennifer sa kaniyang mga magulang. Nakikipag kita ng palihim at nagsisinungaling upang makipag kita

Hindi maitatangging mas masaya ang kanilang relasyon ngayon kumpara noon. Kaya naman ang kanilang pagmamahalan ay parang walang limitasyon.

Hanggang sa hindi na nga nila napigilan ang kanilang mga emosyon at humantong sa isang desisyon na hindi naman dapat nila gawin habang magkarelasyon.

Patapos pa lamang ang first semester ng kanilang unang taon sa kolehiyo nang nadiskubre ni Jennifer na siya ay buntis na sa edad na 16 gulang pa lamang.

Hindi niya malaman ang kaniyang gagawin kaya agad siyang nakipag kita sa nobyo upang ibalita ito.

“Rico, buntis ako” nanginginig at umiiyak na sabi ni Jennifer dahil sa takot nito

“Mahal na mahal kita, Jennifer. Kayo ng magiging anak ko. Huwag kang mag-alala papanagutan kita” sabay halik sa noo at mahigpit na yakap na sagot ni Rico

Labis ang kasiyahang nadama ni Jennifer dahil hindi naging katulad ng ibang lalaki si Rico. Natatakot siya na baka pilitin siya ni Rico na ipalaglag ang bata at iwanan na lamang sa kaniya ang lahat.

Ngunit dahil sa takot ni Jennifer na malaman ng kaniyang magulang, nag desisyon muli siyang itago maging ang kaniyang pagbubuntis.

Namili siya ng girdle at pinaluwagan na din ang uniporme upang hindi ito mahalata ng marami lalo na ng kaniyang mga magulang.

Sa bahay ay nag susuot siya ng maluluwag na damit upang hindi bumakat ang kaniyang tiyan.

Naparaanan din nila Jennifer at Rico ang monthly check up sa doctor gamit ang kanilang mga iniipon na allowance.

Hanggang sa nagpaalam si Rico na uuwi muli ito sa probinsya nang hindi sinasabi ang dahilan.

“Babe, kakatapos lang ng semester, plano ko sanang umuwi muna ng probinsya. Laso ang problema, wala kasing signal doon kaya hindi muna ako makakatawag at makakapag text. Pero gagawan ko ng paraan para makumusta ka. Saglit lamang iyon” sabi ni Rico

Kahit na labag ito sa kalooban ni Jennifer ay siya pa ding nag antay at nag tiis ng ilang linggo. Unti- unti ay lumalaki na din ang kaniyang tiyan at nahahalata na ito.

“Anak, tumataba ka ata ah? Hinay- hinay sa pagkain. Hindi ka naman buntis niyan ano?” pabiro na sambit ng kaniyang ina

“Ma hindi po. Nastress lang po talaga ako sa school” utal na sagot ni Jennifer.

Lumipas pa ang ilang araw nang kinutuban si Jennifer sa mga hindi maipaliwanag na pang yayari. Hinanap niya sa Facebook ang profile ni Rico ngunit dalawang account ang lumabas dito. Ang isa ay nasa friends list niya habang ang isa ay hindi.

Naglakas loob si Jennifer na pindutin ang isang account at nakita na “In a relationship” ito sa ibang babae.

Ang dahilan pala ng pag uwi niya sa probinsya ay dahil nanganak na ang babaeng naging nobya niya sa probinsya. Proud na proud pa nga si Rico na ipost ang mga larawan ng kaniyang mag- ina

Lubos na nagdamdam si Jennifer s natuklasan. Nagdesisyon siyang ipalaglag ang bata dahil sa depresyon na dinulot ni Rico. Ngunit kahit anong talon at inom ng gamot niya ay malakas ang kapit ng bata.

“Lumabas ka na diyan! Wala kang kwenta katulad ng ama mo! Ikaw lang ang magpapaalala sa akin ng kataksilan niya! Labas! Malaglag ka na!” hagulgol ni niya habang sinusuntok ang tiyan

Pitong buwan na ang kaniyang tiyan kaya patuloy na ang paglaki nito kaya naman nagdesisyon na siyang sabihin ito sa magulang dahil hindi na nga ito mapipigilan

“”Iyan na nga ba ang sinasabi ko, Jennifer! Diyos ko, saan ba kami nag kulang sayo ha! Hindi nga naming alam na may boyfriend ka tapos sasabihin mo ngayon na buntis ka?!” pagalit na sigaw habang umiiyak ang nanay niya.

“Ma, Pa, sana mapatawad niyo ako. Alam kong malaki ang naging pagkakamali ko. Patawad po. Pero pangako kahit po magkakaanak na ako, ipagpapatuloy ko po yung pangarap ko, natin at para na din sa anak ko. Papalakihin ko siya ng kagaya ng pagpapalaki niyo sa akin.” Hagulgol ni Jennifer

Nagyakap silang pamilya. Dumating na ang araw na nanganak na si Jennifer ngunit walang Rico ang dumating at nagparamdam. Bali- balita ay nakipag live in na ito sa babae sa probinsya at nakatakda nang ikasal.

Gayun pa man, nang makita ni Jennifer ang kaniyang bagong silang na anak na lalaki ay labis labis ang kaniyang saya at tumulo ang kaniyang mga luha.

“Mahal na mahal ka ni mommy, anak. Patawarin mo ako sa lahat ng ginawa ko sayo noong nasa tiyan pa lang kita. Sorry anak, nagkamali ako na nagpadala ako sa sakit at hindi na inisip ang magiging kalagayan mo. Wala kang kasalanan anak”

Tumigil panandalian si Jennifer sa kaniyang pag- aaral upang mapagtuunan ng pansin ang anak at makapag pahinga.

Sa tulong ng kaniyang mga magulang at pagsisilbing inspirasyon ng kaniyang anak, nagpatuloy sap ag- aaral si Jennifer at nakapag tapos ng pag- aaral.

Unti- unti ay nakabangon siya at natupad ang mga pangarap kasama ng kaniyang pamilya.

Patuloy pa din niyang ginagampanan ang isang pagiging mabuting single mother at hindi na humanap pa ng kabiyak at katuwang sa buhay dahil sapat na at higit pa ang mayroon siya ngayon.