Pagdating sa pera na ating kinikita sa pagtatrabaho dapat tayo ay marunong magtago o mag-ipon o kaya naman ay magpundar ng mga gamit o bagay na ating pangunahing kailangan.

Tulad na lang dalagang aktres na si Andrea Brillantes sa edad niyang 17 ay naging masinop agad siya sa kaniyang perang kinikita at nakapagpundar na agad siya ng bahay para sa kanyang pamilya.

Ayon sa isang panayam kay Andrea dati raw ay nagre-rent lang sila ng bahay kaya naman isa sa naging inspirasyon sa kanya upang magsikap sa pagtatrabaho ay ang mabigyan ng sariling bahay ang kanyang pamilya.

“Nagre-rent po kasi talaga kami ng bahay, ‘yong tinitirahan namin. Ilang beses na kaming lumipat, siguro mga apat na beses, tapos puro rent” sambit ng aktres.

Dagdag pa nito na sobrang hirap daw at nakakapagod ang palipat-lipat ng bahay na tinutuluyan at isa pa ay hindi sila maaring maging komportable dahil hindi naman sa kanila ang tinitirahan at anumang oras ay maari silang paalisin ng may-ari.

“Ever since noong pa-extra extra pa ako hanggang tumaas na iyong roles ko, ang lagi kong iniisip ay bahay. Nagtatabi ako ng mga ipon,” sabi ni Andrea.

Isa daw na naging magandang biyaya sa kaniya ang malaking break niya sa “Kadenang Ginto” at dito siya nakaipon ng sapat na pera upang makabili ng sariling bahay para sa kanyang pamilya. Sa kabila nito nanatili pa rin ang aktres sa pagiging matipid o kuripot pagdating sa mga luho.

“Hindi ako bumibili ng mga designer. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako bumibili ng mga designer shoes and bags. Nagsimula ang pagiging kuripot ko noong 10 years old ako. Nahirapan talaga ako.

Nalaman ko ang halaga ng pera. Ang hirap-hirap pala niyang kitain. Tapos noong nagkaroon ako ng responsibility sa buong family ko, mas naging kuripot ako.”

Talaga naman na nakakabilib ang batang si Andrea dahil sa murang edad ay mas inuna ang pamilya kaysa sa mga bagay na pansarili, isa siya sa dapat tularan ng ating mga kabataan.

Nagsimula ang construction ng bahay ni Andrea noong Agosto 2019 at minsan ay ibinabahagi niya ang ilang larawan ng kanyang bahay na unti-unti nang nabubuo sa kanyang Instagram account.