Sabi nila, dapat ang mga anak ang natututo sa kanilang mga magulang ngunit pinatunayan nang isang murang isip at inosenteng batang ito na mayroon anghel na tinig at mabigat na dahilan upang makapagpabago ng maling desisyon ng kaniyang ama.

Hindi naman din masisisi ang mga magulang kung gagawa sila ng karahasan para lamang sa kanilang mga anak.

Gayun pa man, hindi ito nararapat pagkat maaaring maging masamang halimbawa ito para sa kanila at makaapekto sa kanilang paglaki.

 

Kagaya na lamang ng isang amang ito na napipilitang magnakaw ng gulay sa kapit bahay para mayroon silang makain ng kaniyang mga anak.

Isang araw ay kinausap niya ang kaniyang pitong taong gulang na anak upang samahan siya sa pagkuha ng mga gulay sa paglubog ng araw.

Madilim na ang paligid at binilinan ng ama ang kaniyang anak na magbantay kung sakali mang mayroong makakita sa kanila.

Habang namimitas ay biglang nagsalita ang kaniyang anak na “Tay! Tay! May nakatingin sa atin”

Luminga linga ang ama at pansin niyang wala namang kahit na sino sa paligid “Nasaan anak?.

Ang sagot ng kaniyang anak ay “Tay, tumingin po kayo sa langit. Hindi po ba nakikita tayo ng buwan?”

Nagpanggap na lamang ang ama na hindi niya narinig ang sinabi ng kaniyang anak hanggang sa sila ay makauwi.

Hindi maialis sa isip ng ama ang sambit ng kaniyang anak. Napagtanto niya na malamang ginamit ng Diyos ang kaniyang anak upang magising siya sa katotohanan na mali ang kaniyang ginagawa na hindi dapat tularan ng kaniyang mga anak.

Noong sumunod na araw ay laking gulat niya nang inalok siya ng trabaho ng kanilang kapit bahay bilang taga-ani ng mga gulay.

Batid ng mag-asawang ito na ninanakawan sila ng ulirang ama. Nais na sana nila itong isuplong noong gabing iyon ngunit nang marinig ang tinig ng inosenteng bata na may laman ang mga ipinahiwatig ay nagbago ang kanilang isip.

Imbis na ireklamo ay kanila na lamang tulungang magkaroon ng trabahong marangal.