Kasama sa plano ng mag asawa ay ang pagkakaroon ng anak. Ang iba naman ay nangangarap na magkaroon ng isang pares o kambal na supling.

Ngunit sabi ng iba, ang pagkakaroon ng kambal na anak ay magastos. Pagkat palaging doble ang iyong bibilhin na kanilang kakailanganin.

Sa kabilang banda, doble din ang galak na inyong mararamdamang mag asawa habang nakikita ang inyong anak na isinilang sa magkaparehong araw.

Ang Wisconsin couple na ito na nakatira sa isang farm sa Union Grove ay nabiyayaan ng 3 pares o kambal na anak na mag kakapareho ang petsa ng kanilang mga kaarawan.

Nakasama na sa plano ng mag asawang Carrie at Craig Kosinski ang pag aampon ng bata simula noong napag alaman nila na si Carrie ay mayroon palang Endometriosis at iba pang depekto sa kaniyang ovulation.

Sabi ni Carrie, “Adoption was always a part of what we had planned… but we wanted to try to have our own children first and then adopt.”

“But we were told by the doctors we wouldn’t be able to have kids on our own,” dagdag pa niya.

Pumunta sila Carrie sa kaniyang kaibigan upang ampunin ang kambal na anak nito. Makalipas ang isang taon ay inalok siyang muli ng kaniyang kaibigan kung gusto niya bang ampunin pa ang mas nakatatanda niyang kambal na anak. Dahil sabik sa anak ang mag asawa, hindi nila ito hinindian.

Nang kasalukuyang inaayos na ang mga papeles at isinasagawa ang proseso ng pag aampon sa dalawang pares o kambal, may kakaibang naramdaman si Carrie sa kaniyang katawan kaya agad siyang nag patingin sa doctor.

Doon napag alaman na siya ay buntis. Hindi lang isa, kung hindi kambal din ang kanilang magiging anak

Ang kanilang biological twins ay pinangalanang Clarissa at Karraline. Isa pa sa nakakamangha ay ipinanganak ang kambal noong ika- 25 na linggo ng pag bubuntis ni Carrie.

February 28, 2016 ang kapanganakan ng kambal na tumugma at sumakto sa petsa na kung kailan ipinanganak din ang dalawa pang pares ng kambal na kanilang inampon mula sa kanilang kaibigan.

Ang kambal na JJ at Cece ay ipinanganak noong February 28, 2013 habang sila Adalynn at Kenna naman ay noong February 28, 2014. Ang mag asawa ay ganap nang legal guardian ng mga kambal na ito.

Bagamat naroon ang pag aalala kung paano nila masusustentuhan ang pangangailangan ng 3 pares ng kambal, ipinangako pa din nilang gagawin nila ang lahat upang mapalaki ito ng maayos, ligtas at punong puno ng pag mamahal.

Kung ating titingnan, isa ito napakalaking biyaya para sa mag asawa na noong una ay nasasabik sa mga anak ngayon ay binigyan na ng anim na supling.

Sa problemang pinansyal naman, mayroong mga tao din ang handang tumulong sa kanila at sa tulong din ng pag fund raising sa GoFundMe.