Hinangaan at binigyan ng papuri mismo ng ng isang alkalde sa probinsya ng Quezon ang isang construction worker na nagsauli ng pera na kanyang napulot sa pinagtatrabahuhang construction site.

Nakilala ang sinasabing tapat na construction worker na si Alberto Lascano, tinatayang nasa P14,000 ang halaga ng kanyang perang napulot sa gusali.

Labis naman na humanga ang Alkalde ng bayan ng Guinayangan na si Mayor Cesar Isaac III, sa ginawang katapatan ni Lascano dahil sa kanya mismo isinauli ang perang napulot nito.

“Kahanga-hanga ang katapatang ipinakita ng construction worker na si Alberto Lascano kung saan ibinalik niya ang napulot niyang pera kay Guinayangan Mayor Cesar Isaac III,” ayon sa post ng Facebook page na GO Quezon.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nakita umano ni Lascano ang pera sa loob ng isang cabinet sa gusaling ginigiba sa naturang probinsya, nakalagay daw sa isang punit-punit na puting envelope ang naturang pera.

“Ang pera ay nagkakahalaga ng 14,500 piso at minabuti aniyang sa alkalde na lamang iabot ang nasabing halaga dahil napulot niya ito sa ginigibang gusali ng allied forces,” ayon pa sa Facebook post.

Sa pahayag naman ni Mayor Isaac, sinabi nito na sa kanya mismo isinauli ni Lascano ang pera para daw ang alkalde na mismo nag mag-sauli nito sa may-ari.

 

“Sabi ko nga du’n sa construction company, pambihira ‘yang inyong isang construction worker na ‘yan, talagang ako ay nagpapasalamat sabi ko eh, mayroon pa palang Guinayangin na may maaayos na puso para ibigay ang mga ganyang bagay sa mga tunay na nagmamay-ari,” wika ng alkalde.

At pagkatapos nga daw ma i-turnover ang pera sa alkalde ay agad naman daw itong naibalik sa tunay na may-ari na isa daw empleyado. Ang naturang pera ay matagal na pala hinahanap ng may-ari.

Gayunpaman, Nakatanggap naman ng pabuya si Lascano mula sa tunay na may-ari. Bukod sa pabuya nakakuha pa si Lascano ng papuri sa Alkalde at sa mga netizens dahil sa magiging matapat nito.