Marami sa atin ang may alam sa hirap ng buhay na pinagdaan ng Pambansang Kamao at Senador na si Manny Pacquiao bago niya marating ang tagumpay.

Kaya naman ang maunlad na buhay na kanyang tinatamasa ngayon nararanasan na rin ng kanyang buong pamilya.

Samantala, sa kabila ng mayaman at marangyang pamumuhay sinabi ng mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao na gusto rin nilang maranasan ng kanilang mga anak ang hirap ng buhay.

Kaya naman kahit pa napakadami nilang kasambahay ay tinitiyak ng mag-asawang Manny at Jinkee na matuto ang kanilang mga anak ng mga gawaing bahay.

“Tinuturuan namin sila ng mga gawaing bahay, yung mga ginagawa ng mga naghihirap na tao,” sabi ni Manny.

Ipinahayag din ni Manny ang kanilang magiging plano matapos nilang ibalik sa GenSan ang kanilang mga anak upang doon ipagpatuloy ang kanilang mga pag-aaral.

Sinabi ng Pambansang Kamao at Senador na nais niyang doon mag-aral ang kanilang mga anak upang maranasan ng mga ito ang eskwelahan na walang aircon.

“Doon sila nakapag-aral ng dalawang taon para ma-experience nila yung buhay na mahirap. Doon sila nag-aaral sa walang aircon na school for two years,” saad ng Senador.

Si Senador Manny ay laki sa mahirap na pamilya kaya naman alam na alam niya kung ano ang sitwasyon at pakiramdam ng walang-wala at kung paano tratuhin ang gaya nila.

Kaya naman gusto talaga ni Manny na maranasan ng kanyang mga anak ang kanyang pinagdaan noon upang lumaki ang mga ito na mapagpakumbaba, mabubuting tao at higit sa lahat ay hindi matapobre.

“Gusto ko kasi talaga na ma-experience nila, ma-realize nila na ang buhay ay hindi lang puro sarap dahil yung kinagisnan nila masarap na eh.

Pero yung pinagdaanan namin, gusto ko na ma-realize nila para pagdating ng araw, hindi sila matapobre.

Gusto namin sila maging compassionate and helpful to others. Yan ang gusto ko sa kanila,” sabi ni Manny.

Masaya naman daw ang mag-asawang Manny at Jinkee dahil lahat ng kanilang ituro sa kanilang mga anak ay nasusunod ng mga ito.

At ipinagmalaki din ng mag-asawa na habang lumalaki daw ang kanilang mga anak ay mas lalong nagiging magalang at masunurin ang mga ito.

“God is good naman, mababait naman silang lahat, nirerespeto kami, at sumusunod sa kung anong advice namin sa kanila,” sabi ni Manny.