Tunay ngang wala nang permanente sa mundo dahil lahat ay nagbabago. Maaaring ang dating buhay mo noon ay ibang iba sa ngayon. Ilang halimbawa ay ang karangyaan, hitsura at kasikatan.

Kasagsagan ng taong 1980’s nang sumikat ang grupo ng mga kababaihang kilala bilang ”Liquor Beauties” sa ilalim ng pangangalaga ng namayapang tanyag na talent manager na si Rey Dela Cruz.

Isa sa miyembro ng nasabing grupo ng mga kababaihan ang napakaganda at napakahusay na artista na nakilala bilang Brandy Ayala o Remedios Estrada sa tunay na buhay ang ngayoý palaboy laboy na lamang sa lansangan.

Kwento ng kaniyang pamangkin na si Ralph Estrada, ang paggamit ni Brandy ng mga ipinagbabawal na gamot sa panahon ng kaniyang katanyagan ang siyang naging sanhi ng pagkawala nito sa sarili na nakaapekto sa kaniyang utak.

Lumala ang kalagayan ng aktres noong taong 1997 at nagsimula siyang magpalaboy laboy sa siyudad ng Maynila.

Ayon sa mga nakakikilala sa kaniya, madalas siyang mamataan sa paligid ng SM City Manila at SM City San Lazaro. Doon ay nanlilimos siya ng pera at pagkain at patuloy na lumilibot sa Maynila.

Naging ganoon man ang naging sitwasyon sa araw- araw ni Brandy, nagagawa pa din daw nito ang umuwi sa bahay.

Ngunit labis na nag alala ang pamangkin niyang si Ralph at pamilya nito matapos biglaang naglaho si Brandy noong ECQ March 15.

Bukod sa kalagayan nito, nababagabag sila Ralph sa mga panganib na maaaring mangyari sa kaniyang tyahin kung hindi nila ito makita kaagad lalo na sa delikadong panahon ngayon.

Huling namataan ang aktres sa lungsod ng Mandaluyong ngunit walang kakayanang pinansyal si Ralph upang suyudin ang kaMaynilaan para mahanap ang kaniyang tiyahin.

Nais ni Ralph na matagpuan agad si Brandy bago pa may mangyari ditong masama.

Source: Keulisyana