Naniniwala ka bang mayroon talagang isang tao na nakalaan para sa iyo? Iyong tipo na kahit ilang beses na kayong maghiwalay, patuloy pa din kayong pinagtatagpo at pinagbubuklod.

Ayon sa karamihan, ang bawat tao ay may karapatang bigyan ng pangalawang pagkakataon. Kagaya na lamang ng mag- asawang ito na nag viral sa social media dahil sa kakaibang ikot ng kanilang love story.

Tunay na sinubok ng tadhana ang mag- asawang sina Valerie at Marvin Conseja. Katakot takot na tampuhan at pakikipagmatigasan ang kanilang pinagdaanan dahil sa mga hindi pagkakaintindihan ngunit ang isa’t isa pa din ang binabalikan.

Sa katunayan, sa 20 taon nilang pagsasama, apat na beses na silang ikinasal!

Taong 2001, buwan ng Hunyo sila unang ikinasal sa Huwes. Hindi nagtagal ay nagdesisyon silang magpakasal sa simbahan.

Dala ng kanilang edad noong mga panahon na iyon, hindi pa handa ang kanilang isip para maging ganap na mag- asawa na nagreresulta ng kanilang away- bati.

Tatlong beses silang nagkaroon ng seryosong tampuhan sa kanilang unang 10 taon bilang mag- asawa kahit pa katatapos lang nilang mag renew ng kanilang kasal.

Patuloy na kumapit ang dalawa at sumabay sa agos ng problema. Sa mga sumunod pang 5 taon ay umayos ang kanilang mas pinatibay na pagsasama.

Dahil dito, muli silang nagdesisyong magpakasal at magpalitan ng “I do’s” kasabay ng pag renew nila ng kanilang vows noong sila ay tumungtong sa kanilang 15th anniversary noong 2016

At ang kanilang huling kasal ay surpresa mula kay Valerie na kung saan kunwaring manonood sila ng isang laro ng basketball ngunit ang totoo ay muli silang ikakasal sa loob ng basketball court.

“Kung kami talaga, ibabalik kami ni God sa isa’t isa,” saad ni Valerie.

Source: GMA News