Isang Mangingisda, nagawang mapagtapos ang mga anak sa kolehiyo na puro Cum Laude

Lahat ay gagawin ng magulang para sa kanilang mga anak, buong araw magtatrabaho maitaguyod at mairaos lang ang pangangailangan ng kanilang mga anak.

Katulad ng pag-aaral ng kanilang anak, para sa mga magulang isang tagumpay sa kanila na makitang maging matagumpay ang kanilang mga anak sa hinaharap.

Halimbawa na diyan ang kwento na ating pag-uusapan, ito ang kwento magpapamulat sa lahat na hindi hadlang ang kahirapan para magkaroon ng magandang kinabukasan.

Kilalanin si Tatay Ramil Montalbo, isa siyang mangingisda mula Iloilo City. Tanging pangingisda ang kanyang hanapbuhay upang maitaguyod ang pag-aaral ng kanyang tatlong anak.

Ayon kay Tatay Ramil, hindi raw siya nakatapos ng pag-aaral kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng magandang buhay. Isa sa mga pangarap noon ni tatay Ramil ay ang maging isang Sundalo ngunit hindi niya ito nakamit dahil sobrang kapos sila sa buhay.

Dagdag pa ni Tatay Ramil isa raw sa dahilan kung bakit hindi siya natuloy sa pag-aaral sa kadahilanang ayaw daw ng kanyang magulang na ipagpatuloy pa ang kanyang pag-aaral, dahil nahahati raw ang kita ng kanyang mga magulang mula sa pangingisda sa mga gastusin ng kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.

Dahil sa naging karanasan ni Tatay Ramil noong siya ay bata pa, ipinangako niya sa kanyang sarili na kapag dumating araw na magkaroon na siya ng kanyang sariling pamilya ay gagawin niya ang lahat upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang mga anak.

At nang dahil sa kanyang pagsusumikap at pagiging masipag sa kanyang hanapbuhay kahit siya ay isang mangingisda napagtapos niya ang kanyang tatlong anak sa kolehiyo at ang lahat ng ito ay may parehong award na Cum Laude. Ito ang isinukli ng kanyang mga anak para sa lahat ng pagsusumikap at paghihirap ni Tatay Ramil.

Labis ang naging kasiyahan ni tatay Ramil dahil nagbunga ng maganda ang kanyang mga sakripisyo. Isa na itong malaking tagumpay para sa kanya bilang isang ama, dahil hindi man niya naranasan ang makapagtapos ng pag-aaral naibigay niya naman ang pagkakataong ito sa kanyang mga anak.

Humanga ang mga netizen kay Tatay Ramil, dahil sa kanyang pagiging mabuti at huwarang ama. Hindi niya hinayaan na maranasan ng kanyang mga anak ang narasan niya nung siya ay bata pa at nagawang mapatapos ang mga ito sa kanilang pag-aaral.