Isang barkong nasunog ng higit 100 taong nakalipas, isa nang sikat na Tourist Attraction

Ang likas na kagandahan ng isang bagay ay hindi bumabase kung ito ay bago o lumang imprastraktura, dahil kung minsan mayroon mga bagay o tanawin na aksidenteng nagawa bunga ng mga insidente na hindi inaasahan.

Katulad na lang sa kasaysayan ng mga barko, maraming mga barko sa ating kasaysayan ang nagkaproblema at naaksidente sa karagatan na tumatak sa ating isipin, marahil naalala mo ang kwento ng lumubog na barko ng Titanic dahil ito ay nagawan pa ng pelikula.

May paraan ang ating kalikasan na kahit ang mga masasamang panahon na nagdaan ay nagagawa nitong maging maganda. Katulad nalang ng sirang lumang barko na “SS City of Adelaide”.

Ang naturang barko ay unang tinawag na “City of Adelaide”, isang pampasaherong barko na ginawa noong 1863 sa Glasgow, Scotland. Ang pampasaherong barko ay bumabyahe sa maraming lugar kabilang na ang Melbourne, Sydney, Honolulu at San Francisco sa California USA.

Ito ay nakapag serbisyo ng maraming taon bago ito gawin na isang barkong pang cargo taong 1890. Subalit noon 1912 habang ito ay bumabyahe ito ay nasunog at inabot ng ilang araw bago naapula ang apoy.

Samantala, kahit nasunog na ang naturang barko mayroon parin bumili nito noong 1915, Ito ay nabili ng nagngangalang George Butler, siya ang unang European na naging residente ng Magnetic Island sa Townsville, Australia.

Nang mabili ito ay dinala mula Townsville papuntang Picnic Bay hanggang makapunta sa Magnetic Island’s Cocle Bay at doon na ito nanatili hanggang tubuan na ito ng mga damo at puno.

Sa kasalukuyan ay itinuturing na itong magandang Tourist Attraction sa Australia. Dagsaan ang mga pumupunta ritong turista taon-taon para lamang makita ang sirang barko.

Ang lumang sirang barko ay mapupuntahan gamit ang bangka, ito ay nasa 300 meters ang layo sa pangpang at kapag low-tide ay madali itong puntahan dahil mababa ang tubig at lumalabas na ang buong katawan ng barko.

Ang “SS City of Adelaide” ay isang katunayan na merong mga bagay na kahit tapos ng pakinabangan ay hindi pa tapos ang kanilang kapakibanganan. Sa una ay isang pampasaherong barko lamang ngunit pagdaan ng panahon, nagbibigay na ito ng magandang atraksyon sa mga tao.