Iskolar ng 4P’s noon na isa nang ganap na Engineer ngayon, kwento ng kanyang pinagdaanang sa buhay ibinahagi sa mga netizen

Ang isa sa programa ng gobyerno ngayon na masasabi nating may malaking naitulong sa mga kababayan nating mahihirap, lalo na sa mga estudyanteng hirap na makapagtapos ng kanilang pag-aaral ay ang programang 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Kamakailan nga lang ay may isang 4P’s iskolar ang naging usap-usapan sa social media ang kanyang kwento ito ay tungkol sa kanyang tagumpay kung paano niya hinarap ang kahirapan patungo sa kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at maging isang engineer sa tulong ng programang 4P’s.

Ibinahagi ng binatang si Marvin ang kanyang naging pagsisikap upang mabigyan ng katuparan ang pangarap niya at ng kanyang pamilya sa buhay.

“Kabilang po ang aming pamilya sa beneficiary ng 4P’s na programa ng gobyerno”, ang naunang pahayag ng binata.

Ayon pa sa binata, masasabi niyang hirap ang kanilang buhay, dahil sa halos isang kahig-isang tuka lamang, lalo na at ang ikinabubuhay ng kanyang mga magulang ay ang pagsasaka at pagkokopra na minsan pa ay talaga namang matumal ang ani, at wala pa nga minsan lalo na kung madadaanan ito ng kalamidad.

“Pagsasaka at pagkokopra po ang ikinabubuhay ng aming pamilya – isang kahig, isang tuka.”

“Madalas, hirap kami na makakain nang tatlong beses sa maghapon lalo na kapag may kalamidad o matumal ang ani.”

Kwento pa ni Marvin, nang bigyan siya ng pagkakataon at oportunidad na makapag-aral sa tulong ng programang 4P’s ay hindi niya ito pinalampas. Taong 2015 ng siya ay kumuha ng kursong Bachelor Science In Civil Engineering sa Bicol University.

Ayon pa sa kanya, sa kanilang magkakapatid ay siya ang kauna-unahang nakatuntong sa kolehiyo.

“Hindi ko po pinalampas ang oportunidad kahit medyo may kalayuan ang unibersidad mula sa amin. Nagsakripisyo din po ako sa loob ng limang taon”, ani Marvin.

Sinabi pa ni Marvin na sa kanyang pagiging iskolar ay masasabi niyang hindi pa rin naging madali ang kanyang pinagdaanan sa buhay.

Dahil unang taon pa lamang niya sa kolehiyo ay agad na siyang sinubok, matapos nang pumanaw ng kanyang ama. Ngunit kahit mahirap at masakit ang pangyayari na ito, ay pinilit niya na mas maging matatag pa para sa kanyang pamilya.

Nagsumikap ng husto si Marvin at tuwing bakasyon ay siya ay naghanap ng trabaho para makatulong pa rin sa kanyang pamilya at sa pangangailangan nito.

Dagdag pa ni Marvin, sa loob ng limang taon, ay hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang lumuha dahil sa hirap, kung saan sa bawat pagsubok na dumarating umano sa kanya noon ay tila gusto na nga niya sumuko. Pero dahil sa nanaig ang kagustuhan niyang mabigyan ng mas maayos na buhay ang kanyang pamilya, ay nagpatuloy lamang siya hanggang sa makamit na nga niya ang pangarap.

Sa kasalukuyan ay masaya na si Marvin dahil lahat ng kanyang pagsusumikap ay nagbunga na ang lahat. Dahil ngayon ay isa na siyang ganap na inhinyero.

“Ngayon isa na po akong inhenyero at ito po ang gusto kong ipagpasalamat sa inyo. Gusto kong iparating na may magandang naidudulot po ang buwis niyo.” “Salamat po!”