Dating kasambahay pinilit makapagtapos ng kolehiyo na ngayon ay isa nang ganap na Lisensyadong Pharmacist

Ang kahirapan ay hindi hadlang sa ating mga pangarap. Ganyan ang pinatunayan ni Joanna Rose Griño na ngayon ay isa nang lisensyadong pharmacist na umani ng mga papuri sa social media matapos niyang aminin na siya ay dating kasambahay.

Si Joanna 23, ay isang laki sa mahirap na pamilya siya ay nagsumikap sa pagtatrabaho bilang isang katulong sa bahay at bilang isang estudyante na kumuha ng degree ng pharmacist sa Our Lady of Fatima University – Valenzuela. Dahil sa kanyang lakas ng loob at determinasyon naipasa niya ang Nobyembre 2021 Pharmacy Board Exam.

Ayon pa kay Joanna, ipinanganak siya sa Sorsogon at walo sila sa pamilya. Hindi naging madali ang buhay sa probinsya. Sa mura niyang edad ay alam na niya kung hindi siya nagsumikap limitado ang kanyang ang pagkakataon sa buhay.

Nang makatapos ng high school ay nagpasya si Joanna na sumunod sa kanyang ate na si Mary Jane at nag punta sa ibang bayan.

“Sabi ko kila ate, ate pwede ba akong pumunta diyan sa Manila, kahit ano lang ’yung trabaho?”

“Kasi alam ko po na wala akong future doon kundi ano lang, siguro baka nag-asawa na talaga ko kung nandoon lang ako sa Bicol,” pag alala ni Joanna.

Sa dami ng pagsubok na pinagdaanan sa buhay ay naging emosyonal si Joanna ng kanyang maalala ang nakaraan.

Naibahagi din ng kanyang ate na si Mary Jane para ilarawan kung gaano siya kahirap noon sa buhay.

“Yung ultimo po asin, yung pisong asin uutangin pa po namin sa kapitbahay.

“Ultimong isang pirasong sibuyas or bawang na panggisa…”

Ang 23-anyos na dalaga ay namasukan bilang kasambahay sa isang pamilya sa Bulacan. Pinanghawakan ni Joanna ang kanyang pangarap para maiahon ang sarili sa hirap pati na ang kanyang pamilya.

“Hindi habang-buhay ganito ang sitwasyon ko,” pahayag ni Joanna.
“Kumbaga po kahit sobrang hirap, gagawa at gagawa ka ng paraan para ma-push mo yung pangarap.

“At natupad ko naman po. Pharmacist na po ako ngayon.” Aniya

“Ang plano ko po ay next year po yung sumunod po sa akin, yung panglima ko pong kapatid si Jethro, yun naman po yung susuportahan ko po sa college niya.”

Ang kwento ni Joanna ay isang patunay na hindi hadlang ang pagiging mahirap para makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon na maiahon sa hirap ang buhay.