Lolang tindera, nalugi at tangay pa ang puhunan matapos bayaran ng pekeng pera ng isang ginang

Ang pagtitinda ay isang marangal na trabaho ngunit madami pa din ang mga naloloko. Sa hirap ng buhay na dinaranas natin ngayon, kanya kanyang diskarte ang ginagawa upang makaraos.

Samantala, hindi ba’t pagmamalabis na kung ang kapwa mo nahihirapan ay siya mong dinuduga?

Ganito na lamang ang dinaranas ng isang lolang nakilala bilang si Nanay Liza na nagtitinda ng mga kakanin sa gilid ng kalsada sa Cainta. Ibinahagi naman ng concerned netizen na si Mylyn Tupas ang kinaharap na problema ng lola.

Kwento nito, isang normal na araw lang nang bumili ng kakanin ang isang babae at nag abot ng 500 piso pambayad sa biniling may halagang 80 pesos lamang.

Sinuklian ito ni Nanay Liza ng 420 pesos ngunit hindi niya alam na ang 500 piso pala na iyon ay isang pekeng pera!

Hindi ito ang unang beses na nangyari kay Nanay Liza ang panlolokong naganap. Sa katunayan, mayroon ding riding in tandem ang gumagawa nito sa kaniya.

Siya ay naka-pwesto lamang sa isang bangketa sa tabing kalsada upang mas mabilis siyang makakapagligpit kung mayroon mang manghuli sa kaniya.

Makikita ang panghihinayang at dismaya sa hitsura ni Nanay Liza dahil sa nalugi na siya ng 80 pesos, nakapaglabas pa siya ng 420 pesos na ipinanukli sa pekeng pera. Ang halaga sana nito ay kaniyang puhunan pa.