Isang matandang lalaki na nawawala ng mahigit 18-oras, nahanap sa tulong ng asong si “Brownie”

Kadalasan kasama ng pamilya ang mga alagang hayop at ilan na dito ang nakasanayan na natin na kasama ng ating pamilya ay mga aso at pusa.

Karamihan din sa atin na itinuturing na kapatid o anak ang ating mga alaga. Minsan sa labis na pagmamahal nila dito ay mas mahal pa ang kanilang kinakain at gamit kaysa sa atin. Alam din ng mga pet lover kung gaano magmahal ang mga alaga natin lalo na kung sila ay bibigyan ng atensyon at pagmamahal.

Alam din ng marami kung gaano ka-loyal at magmahal ang mga alaga natin. Gaya nga ng sabi ng iba mas mapagkakatiwalaan pa ang ating mga alaga kaysa sa mga taong nakapaligid sa atin.

Para sa mga mahihilig mag-alaga ng hayop ang aso daw ang isa sa mga pinaka-tapat na alaga at mapagkakatiwalaan, ayon nga sa kasabihan “Dogs are man’s best friend” pinatunayan na ito ng maraming kwento at pangyayari tulad na lang ng isang aso na ito na tumulong sa paghahanap sa isang lolo na mahigit isang araw ng nawawala.

Noon March 25,2022 si Lolo Ponso raw ay halos isang buong araw ng nawawala, subalit sa tulong ng asong si “Brownie” ay nagawa itong mahanap at matunton kung nasaan ito.

Ayon sa kwento, maghahatid lang daw sana ng pagkain si Lolo ponso sa mga tauhang nagkokopra sa bukid sa Sitio Kamingawan-Dalupit Road subalit hindi na raw ito nakauwi.

At pagsapit nga ng kinaumagahan sa tulong ng alagang aso na si Brownie, natagpuan si Lolo Ponso na naka-silong sa ilalim ng isang tumbang puno ng mangga at nagpapahinga ito.

Makikita naman si Lolo Ponso na masaya at nakangiti na ng ito ay matagpuan, subalit hindi nawawala sa kanyang mukha ang pagod at gutom dahil ilang oras din itong walang pagkain at inumin.

Samantala, agad naman dinala si Lolo Ponso sa San Antonio District Hospital upang masuri at masiguro na maayos ang kalagayan nito.