Isang dalaga na nagtayo ng negosyo na 6K lamang ang puhunan, ngayon ay mayroon ng 15 branches ng Coffee Shop

Marami sa ating mga manggagawa o empleyado na nagtatrabaho sa ating bansa ay palaging umaaray kapag ang pinag-uusapan ay ang minimum na sahod, kulang kasi at sobrang baba ang nakukuha nating sahod kumpara sa mga kalapit nating bansa.

Kaya nga karamihan sa atin ay umaalis ng bansa para doon magtrabaho at maging sapat ang kita, Dahil kung ang minimum na sahod lamang ng isang empleyado dito sa atin ang pinagkukunan ng gastusin araw-araw ay talagang kulang na kulang ito lalo na kung ikaw ay may pamilya na binubuhay.

May kasabihan naman ang iba na walang yumayaman sa pagiging isang empleyado kaya ang iba habang nagtatrabaho ay sumusubok ng negosyo upang magkaroon ng extra income.

Subalit ang pagpasok sa isang negosyo ay hindi madali dahil marami kang dapat isaalang-alang dito bago mo maabot ang tagumpay. Kung minsan ay hindi maiiwasan na makarinig ka ng mga negatibong komento lalo na kapag ikaw ay nagsisimula palamang sa negosyo o kaya naman ay darating ang oras na kung minsan ikaw ay malulugi kapag ito ay hindi pumatok sa publiko.

Pero kung isa ka sa mga buo ang loob sa pagpasok sa negosyo kahit ilang beses ka pang madapa ay patuloy ka lamang sa pagbangon, hanggat hindi mo nakakamit ang pangarap mong umunlad sa pagnenegosyo.

Katulad na lang ng kwento ng tagumpay ng isang dalagang negosyante, sa kanyang puhunan na P6,000 pesos sa negosyong kanyang napili ngayon ay mayroon na siyang 15 branches!

Samantala, bago pa maging isang negosyante ay isang empleyado rin ang nasabing dalaga na nakilala bilang si Ana Magalona. Tatlong taon siya nagtrabaho bilang Credit and Finance Solution Manager sa isang software company sa Makati City.

Kwento ng dalaga, ito ang dream job niya noon siya ay nag-aaral pa, maganda rin naman ang sahod sa kanya ng naturang kumpanya.

Subalit nang humarap sa krisis ang ating bansa, kung saan marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho hindi rin naiwasan ni Ana ang mapa-isip na kung sakaling isa siya sa nawalan ng trabaho ay ano kaya ang magiging back-up plan niya.

Kaya naman ito ang nagtulak sa dalaga na pasukin ang pagnenegosyo, kung saan ay naisip niyang magtayo ng sarili niyang coffee shop.

“I thought of coffee because I love coffee. And coffee is quite easy to prepare” ani ni Ana.

Dagdag pa ni Ana nagsimula daw siya sa pagnenegosyo sa halagang P6,000 at nag tinda siya sa loob ng kanilang condo unit. Una niya raw binili sa halagang P6,000 pesos ay ang mga kagamitan na kakailanganin niya sa paggawa ng kape katulad na lang ng coffee maker.

Katulad ng mga nagsisimula sa negosyo, hindi rin naging madali ang lahat kay Anam sapagkat naransan din niya ang makatanggap ng mga negatibong komento. Subalit sa halip na panghinaan ng loob ay ito ang ginawa niyang inspirasyon para mas pagbutihin pa ang mga produktong kanyang ibinebenta hanggang sa dumating na ang kanyang paninda ay pumatok sa publiko.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 15-branches na Coffee Shop si Ana na tinawag niyang ‘But First, Coffee’, patuloy din siyang nakakapagbigay ng trabaho sa marami nating kababayan dahil sa paglawak at pag-unlad ng kanyang negosyong ito.

Payo naman ni Ana sa mga nagpaplano mag negosyo “Invest in everything that you can to make your business a success’.