Binata na 21yo, pinatunayan na maaaring kumita ng P10,000 kada buwan sa pag-aalaga ng kambing

Naging inspirasyon sa maraming Pilipino ang kwento ng buhay ng isang 21 taong gulang na binata na si Jomary Nuqui na isang goat raiser sa lugar ng Concepcion Tarlac.

Sa edad niyang 21 taon hindi mo aakalain na siya ay naging matagumpay na agad sa kanyang pinasok na negosyo.

Ayon mismo sa binatang si Jomary, nagsimula daw ang lahat nang ito ng magkaroon ng lºckdºwn dahil sa pªndemiyª.

Napaisip daw siya ng mga panahon na iyon kung ano ang maaari niyang pagkakitaan para makatulong sa gastusin sa kanilang pamilya at dito na nga nagsimula ang pag-aalaga niya ng mga kambing.

Samantala, ayon pa kay Jomary akma daw ang pag-aalaga niya ng kambing sa kanyang kuro dahil kumukuha siya ng BS Agricultural Major in Animal Science kung kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip pang simulan ang negosyong ito.

Noong bata palang daw siya ay hilig na niya ang mag-impok o mag-ipon ng pera kung kaya naman mayroon siyang nahugot na pang puhunan sa kanyang naisip na negosyo.

Maaaring simple lamang ang araw-araw na ginagawa ni Jomary sa kaniyang pag-aalaga ng kambing ngunit talagang kakailanganin mo din ng tiyaga at sipag dito. Nagsisimula ang kanyang araw sa pagsusuri sa kanyang mga alagang kambing kung mayroon bang sakit ang mga ito.

Kanya rin nililinis ang mga kulungan at nagpapadede ng mga maliliit na kambing. Pinapastol naman niya ang kanyang mga alagang kambing mula ika-siyam ng umaga hanggang ika-sampu ganoon din daw sa tanghali sa ganap na ika-12 ng tanghali hanggang ala-una ng hapon.

Samantala, pagsapit naman ng ala-singko ng hapon ay ibinabalik na niya ang mga ito sa kulungan. Nagsimula ang kanyang puhunan sa Php11,500 para sa 3 kambing lamang ngunit makalipas ang 2 taon ay mayroon na siyang total investment na Php80,000 para sa 60 pirasong kambing.

Sa kasalukuyan ay patuloy na pinaparami ni Jomary ang kanyang mga alagang kambing upang mas dumami rin ang kanyang kita buwan-buwan.

Tinatayang Php10,000 ang kinikita ni Jomary sa loob ng isang buwan sa pagbebenta lamang ng mga nabi-breed nyang kambing.