Isang Single Dad na sobrang proud na ipinagmalaki ang anak na pumasa ng Bar Exam, Viral!

Sobrang saya ngayon ng isang single dad mula sa Barangay Pulang Lupa Dos, Las Piñas City, ito ay matapos niyang malaman ang magandang balita na ang kanyang 28 na taong gulang na anak ay isa sa mga nakapasa sa Bar Exam.

Dahil sa sobrang proud ng amang si Renato Baysa nagpaggawa agad ito ng Tarpaulin para sa anak na si Lynk Juren na kanyang isinabit sa kanilang puno sa labas ng bahay bilang surpresa sa kanyang anak.

Makikita at mababasa ang nakasulat sa Tarpaulin “Congratulations! From: Daddy, the single parent who sacrificed everything for your good. I am proud of you”.

Ayon mismo kay Tatay Renato, isang linggo bago ilabas ang resulta ng Bar Exam ay nakahanda na daw umano ang Tarpaulin, nang tumawag ang kanyang anak na nakapasa ito sa Bar Exam ay labis ang kanyang tuwa at agad na inilabas ang tarpaulin at agad na isinabit ito.

Gulat na gulat naman ang kanyang anak na si Lynk nang ito ay makauwi galing sa trabaho na may nakasabit nang tarpaulin na sumalubong sa kanya.

“Natutuwa ako sa kanya siyempre, yung pangaral ko sa kanila ay hindi nila ako binigyan ng problema”.

Kwento naman ni Tatay Renato, hindi raw biro ang kanyang pinagdaanan para maitaguyod ang kanilang buhay na mag-ama.

Siyam na taon daw siyang nag trabaho sa Japan at nang umuwi sa Pilipinas noong 2002, ay bigla naman silang iniwan ng kanyang misis.

Kaya naman siya na ang nag-iisang bumuhay sa kanyang mga anak, una bilang mekaniko ng mga sasakyan hanggang sa naging operator ng mga pampasaherong jeep.

“Mula noong mga bata sila ay sinasabi ko sa kanila na mag-aral silang mabuti dahil wala akong maipapamana sa kanila kung hindi yung aral lang nila” pahayag ni tatay Renato.

“Nagpapasalamat po ako sa tatay ko na hindi po kami iniwan at nagsakripisyo po siya na kahit nagsimula kami sa wala noong umuwi siya ay hindi siya sumuko sa amin”. ani Lynk.

“Lagi niyang sinasabi na mangarap kayo na makapagtapos dahil yon lamang daw po ang magandang maiiwan niya po sa amin,” dagdag ng bagong abogado.

Si Lynk ay nagtapos sa Arellano University School of Law at kasalukuyan nagtatrabaho sa Court Management Office sa Office of the Court Administrator sa Korte Suprema.