Para sa lahat ng mag-aaral ang pagtatapos ay isa sa mga pinakamahalagang yugto ng buhay estudyante. Ito ang maituturing na reward at achievement sa bawat estudyante at ito rin ang pinakamagandang regalo para sa kanilang mga magulang sa lahat ng sakripisyo at panahon na ginugol upang makarating sa araw na iyon.
Subalit sa kasamaang palad, hindi na umabot sa pinakamahalaga at espesyal na araw ang isang estudyante sa Camarines Sur dahil sa kanyang sinapit dulot ng sakit sa kidnéy.
Kamakailan nga ay Naging malungkot at makabagbag damdamin ang naganap na pagtatapos o graduation sa Camarines Sur Polytechnic Colleges ito ay matapos gawan ng life-size standee si Ma. Isabel Garcia ng kanyang mga kaklase upang makasama pa rin nila ito sa graduation sa kursong Bachelor of Science in Office Administration.
Bitbit ng magkapatid na si Mariela at Marvic Garcia ang standee ng panganay nilang kapatid na si Isabel habang iginagawad sa kanila ang diploma nito.
Hindi naman mapigilan ng ilan na maluha sa pangyayaring ito sapagkat kilalang magaling, mabait, masipag at maalalahanin na kaklase at ate si Isabel.
Samantala, bago raw pumanaw si Isabel noong September 2021 dahil sa kidney failure ay pinagsasabay nito ang pag-aaral at pag-aalaga sa inang may breast cancer na pumanaw rin noong December 2021.
Ayon kay Marvic, miss na miss na at gusto na niyang yakapin ang kanyang ate. Ibinahagi rin niya ang pagiging supportive ni Isabel sa tuwing siya ay sasabak sa pageants.
Nangako naman ang magkakapatid na tutuparin nila ang mga pangarap ng kanilang ate Isabel, tulad ng makapagtapos ng pag-aaral at mabigyan ng sariling jeep ang tsuper nilang ama.
Dagdag pa ni Mariela, “Ate, Mama, sana happy kayo sa heaven. Sana gabayan ninyo kami, si Papa sa pagmamaneho araw-araw”.
Gumawa naman ng tula ang kapatid ni Isabel na si Mariela at ito ay inialay sa yuma0ng dalaga :
Kay layo man ng pagitan natin ‘Di pa rin mapapagod tumingin sa mga bituin. Sa mga tala na kung ako’y nakatingala. Bigla nalang ngingiti dahil sa mga iniwan mong ala-ala
Sa’yo pa rin ang lubos kong paghanga
Lahat naman kasi sa’yo ay kamangha-mangha
Nagnanais na ika’y muling makita
Mapagmasdan lang muli ang kislap ng ‘yong mga mata
Nangungulila pa rin kami sa pagkawala mo
Ate, pakinggan mo sana ang aming pagsamo
Bawat patak ng aming mga luha
Pag-alala sa mga sakripisyo mong iyong nagawa
Pagbati Ate sa pangako mong natupad
Diploma mo’y hawak na ng aking mga palad
Mga luhang nag-uunahan sa pagbagsak
Dahil nais kong sundan ang iyong mga yapak
Nasa piling kana nang ating mahal na Ama
Mahigpit na yakap para sa’yo at kay Mama
Mga ala-ala n’yo ay mananatiling buhay
Sapagkat kayo ay sa’min nagbigay kulay
Nawa’y sa aking tula ika’y napangiti
Iyon lang ang tangi kong minimithi
Halik mula sa aking labi
Sa iyo ako Ate lubos na bumabati